Matagumpay na naidaos ang isa na namang adhikain ng Pamantasan ng DMMMSU sa pamamagitan ng Webinar-Worksyap sa Pagsulat ng Korespondensya Opisyal. Pinangunahan ito ng Programang Batsilyer ng Sining sa Filipino sa ilalim ng Kolehiyo ng Sining at Agham ng DMMMSU-SLUC, Agoo, La Union.
Binuo at ibinigay ang ganitong uri ng Webinar-Worksyap alinisunod sa Kautusang Tagapagpaganap Blg.335 na nag-aatas sa lahat ng kagawaran, ahensya, at instrumentaliti ng pamahalaan na gumamit ng Wikang Filipino sa lahat ng uri ng komunikasyon. Nilahukan ng mga guro sa Filipino, Ingles, Araling Panlipunan at mga kaugnay na larangan, gayundin sa mga kalihim ng mga tanggapan at mag-aaral mula sa tatlong kampus na dinaluhan din ng ilang mga guro na nasa pampubliko at pampribadong paaralan.
Ayon sa talakay Jeslie Del Ayre Luza (Senior Language Researcher sa KWF), ang tagapanayam sa nasabing webinar, napapanahon na upang ipakilala at magamit ang sariling wika sa iba’t ibang transaksyon. Ipinaliwanag din niya ang nilalaman ng Kautusan at higit sa lahat ang tamang pagsulat ng liham at iba pang uri ng korespondensyang opisyal gamit ang Wikang Filipino. Nagkaroon ng worksyap bilang pagsasanay para sa mga kalahok kung saan hinati sa apat na pangkat upang gumawa ng mga halimbawa ng Korespondensya Opisyal na sinuri at winasto din mismo ng tagapanayam.
Sa pagtatapos, pinasalamatan ni Dr. Renante D. Malagayo, Tserman ng Programang BS Filipino, sina Dr. Jaime I. Manuel, Jr., ang Pangulo ng Pamantasang DMMMSU; Dr. Joanne C. Rivera, Tsanselor ng SLUC; Dr. Raquel D. Quiambao, Dekana ng CAS; at Dr. Fauslyn Gay U. Amongan, Taga-ulo ng Instruksyon sa kanilang buong suporta sa mga ganitong Gawain.
Mga larawan at Panulat | Dr. Rhodora L. Biay